Nakahandang humarap sa pagdinig sa Department of Justice (DOJ) si dating PNP Chief PGen. Oscar Albayalde kaugnay sa isyu ng ninja cops.
Ito’y matapos sinama ang pangalan ni Albayalde sa 13 Pampanga ninja cops na sinampahan ng kasong criminal ng PNP CIDG dahil sa maanomalyang drug raid noong 2013.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Albayalde sinabi nito sa pamamagitan ng isang text message na mabibigyan na siya ng pagkakataong makapag paliwanag sa sa tamang forum at venue.
” At least I will be accorded due process now,” mensahe na ipinadala ni Albayalde sa Bombo Radyo.
Sa amended referral complaint na isinumite ng CIDG sa DOJ kasama si Albayalde sa mga pinakakasuhan ng paglabag sa Dangerous Drugs act, Qualified Bribery, Falsification of Public Documents at Perjury.
Magugunita na makailang ulit nang sinabi ni Albayalde na walang sapat na ebidensiya na magdidiin sa kaniya.
Nanindigan ito na hindi siya nakinabang sa drug operations na pinangunahan ng grupo ni PLt Col Rodney Baloyo kapalit ng P50 million at sasakyan.
Si Albayalde ay kapwa idiniin nina dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at PDEA chief Aaron Aquino na inarbor nito ang kaso ng kaniyang mga tauhan.