Hindi pa umano nakakatanggap ng pormal na paanyaya si dating Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Oscar Albayalde para magpaliwanag sa kaniyang naging papel sa madugong drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasunod ng panawagan ng kasalukuyang lider ng pambansang pulisya na si PGen. Rommel Marbil na ipaliwanag ng mga dating PNP Chief ang kanilang naging papel sa kontrobersyal na kampaniya.
Ayon kay Albayalde, wala pa itong natatanggap na opisyal na sulat mula sa PNP ilang araw mula nang ginawa ni Marbil ang panawagan.
Iginiit ng heneral na makabubuti sa kanila na mabigyan din ng pagkakataong maipaliwanag ang ginampanang tungkulin sa nakalipas na adminisrasyon.
Sa ganitong paraan aniya ay tiyak na malalaman kung sino ang totoong nanamantala sa drug war ng nakalipas na administrasyon.
Ayon pa kay Albayalde, ilang beses na rin siyang dumalo sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes at sumagot sa lahat ng mga katanungan ng mga mga mambabatas.
Si Albayalde ay nagsilbing PNP Chief mula April 2018 hanggang October 2019, mga panahong nasa kasagsagan ang kampaniya ni dating Pang. Duterte sa iligal na droga.