Ibinahagi ni Manila Rep. Benny Abante, co-chair ng House quad committee, na natukoy na nila kung sino ang police general na tumawag kay dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog para magbigay ng babala na ito ay posibleng patayin.
Ayon kay Abante, si dating PNP Chief Camilo Cascolan umano ang tumawag noon kay Mabilog.
Una nang sinabi ng dating Iloilo mayor na pinagbilinan siya na huwag pupunta sa Camp Crame dahil sa manganganib ang kaniyang buhay, bukod pa sa may mga ipagagawa raw sa kaniya ang mga opisyal ng nakalipas na administrasyon.
Kabilang na rito ang pag-pressure na tukuyin niya sina dating Sen. Mar Roxas at dating senate President Franklin Drilon bilang drug lords.
Matatandaang naging emosyunal pa si Mabilog sa nakaraang pagharap nito sa Quad Committee, kung saan isiniwalat niya ang mga karanasan noong inilagay siya ng Duterte administration sa umano’y narco list.
Pero ang mga rebelasyon ay hindi na makakalap kay Cascolan, dahil pumanaw na ito noong nakaraang taon.
Sa panig naman ni dating PNP Chief at ngayon ay Sen. Ronald dela Rosa, naniniwala siyang bahagi lamang ito ng mga paninira upang pahinain ang kanilang laban sa politika, kasama na ang mga Duterte.