Iginiit ni dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde na malinis ang kaniyang konsensiya at handa siyang harapin ang imbestigasyon sa nakalipas na war on drugs.
Bagamat nanindigan ito na makikipagtulungan lamang siya kung ang Department of Justice ang nagpatawag sa kaniya at hindi ang International Criminal Court na kaniyang iginiit na walang hurisdiksiyon sa PH.
Sinabi din ng dating PNP chief na hindi maaaring pumasok ang anumang international court o foreign entity at magsagawa ng naturang imbestigasyon nang hindi sumusunod sa protocol na makailang ulit na aniyang binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pahayag na ito ni Albayalde ay matapos sabihin ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti na tahasang pinangalanan ito kasama sina dating PNP chief at kasalukuyang Senador Ronald dela Rosa at si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa public documents na posibleng iniimbestigahan ng international court pangunahin dahil sa command responsibility.
Tugon naman ni Albayalde na wala siyang itinatago at iginiit na sinunod lamang niya ang legal orders may kinalaman sa kampaniya kontra iligal na droga ng nakalipas na administrasyon.
Noong director din aniya siya ng National Capital Region Police Office, hindi kailanman nito narinig na ipinag-utos ng dating Pangulo at ni dating PNP chief Dela Rosa ang pagpatay sa mga drug suspect para maabot ang kanilang quota targets.
Sinabi rin nito na agad niyang ipinag-utos ang imbestigasyon sa mga napaulat na pang-aabuso na nagawa ng mga police scalawag sa war on drugs at tiniyak na napanagot sa batas ang mga ito.
Inihayag din ni Albayalde na walang sinuman ang nakipag-ugnayan sa kaniya mula sa ICC at iginiit na hidni ito makikipag-usap sa sinumang kinatawan mulasa international court.