Hinamon na rin ni dating Philippine National Police Chief Nicanor Bartolome si Ret. Brig. Gen. Raul Villanueva ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na pangalanan ang sinasabi nitong PNP chief na tumatanggap ng buwanang payola mula sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Bartolome, isa sa mga kasapi ng Council of Chiefs o grupo ng mga dating PNP chief, na kinokondena nila ang naging pahayag ni Villanueva sa pagdinig ng Senado.
Sa general statement kasi aniya ni Villanueva, hindi lang ang ilang dating pinuno ng pambansang pulisya noong Duterte administration ang nakakaladkad, kundi pati na ang mga naitalaga noong matagal nang panahon.
Kung hindi aniya lilinawin ng Pagcor official ang pahayag nito, dapat mag-public apology na lamang ang nasabing opisyal.
Matatandaang una nang inamin ni Villanueva na hindi pa validated ang nabanggit niyang payola issue, ngunit dahil naitanong ng mga senador kaya niya nailahad.
Una nang nagsalita hinggil sa kaugnayan sa POGO ang iba pang dating PNP chiefs mula sa mga nakalipas na administrasyon.