Inabswelto ng Sandiganbayan si dating Philippine National Police (PNP) Chief Jesus A. Verzosa at 10 iba pang pulis sa mga kasong graft na may kinalaman sa umano’y iregular na pagbili ng dalawang second-hand helicopter noong 2009.
Bukod kay Verzosa, pinawalang-sala rin ng anti graft court sina P/DDG Jefferson P. Soriano, P/Supt. Ermilando O. Villafuerte, P/SSupt. Luis L. Saligumba, P/SSupt. Job Nolan D. Antonio, P/SSupt. Edgar B. Paatan, P/CInsp. Maria Josefina V. Recometa, P/Supt. Claudio De Gaspar, Jr., SPO3 Ma. Linda A. Padojinog, PO3 Avensuel Go Dy, at Ruben Sarabillo Gongona.
Sa kabila nito ay guilty naman ang naging hatol ng Sandiganbayan laban kina P/Dir. Luizo Cristobal Ticman, P/Dir. Ronald D. Roderos, P/Dir. Romeo C. Hilomen, P/Dir. Leocadio Salva Cruz Santiago, Jr., at private individual Hilario Bautista de Vera para sa kasong graft.
Hinatulan ang mga ito ng anim hanggang walong taon na pagkakakulong at perpetual disqualification sa paghawak ng mga pampublikong tungkulin.
Si Roderos ay hinatulang rin guilty sa falsification of public documents na tinukoy sa ilalim ng Article 171 ng Revised Penal Code at pinatawan ng penalty na apat na taon at dalawang buwan na prision correccional na hindi bababa sa walong taon at isang araw ng prision mayor bilang maximum.
Inutusan din siyang magbayad ng penalty na P5,000.
Batay sa 346-pahinang desisyon ay isinulat ni Chairperson Associate Justice Ma. Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta na may pagsangayon nina Associate Justices Zaldy V. Trespeses at Georgina D. Hidalgo.
Kung maaalala, noong 2009, bumili si Verzosa at ang kanyang kapwa akusado ng tatlong helicopter mula sa Manila Aerospace Products Trading Corp. — dalawang standard Robinson R44 Raven I light police helicopter na nagkakahalaga ng P62,672,086.90 at isang Robinson R44 Raven II LPOH na nagkakahalaga ng P42,312,913.10.
Habang hinihiling ng National Police Commission ang PNP na bumili ng mga bagong helicopter, sinabi ng mga tagausig na ang dalawang R44 Raven I helicopter ay aktwal na pagmamay-ari ni dating First Gentleman Mike Arroyo. Dahil dito, nag-overpay ang PNP ng P34 milyon.