Isa si dating Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa “commitee of 5” na binuo ng mga kinauukulan na sasala sa mga police officials na sangkot sa illegal na droga.
Ito ang isiniwalat ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa isang pahayag.
Paliwanag ni Abalos, isa si Magalong sa mga napiling maging bahagi ng nasabing komite na magbubusisi sa mga ninja cops dahil sa kapita-pitagang background nito at napakalini sa integridad at dignidad.
Sa ngayon ay tumanggi munang ibahagi ng kalihim ang iba pang personalidad na kabilang sa commitee of five na mula aniya iba’t-ibang departamento para na rin sa usaping pang seguridad ng mga ito.
Samantala, sa pagtatanong naman ng Bombo Radyo Philippines ay tiniyak ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na ang lahat ng mga mapipiling kabilang sa nasabing 5-man commitee ay talagang napatunayan na aniyang walang bahid ng katiwalian ang kanilang mga record sa buong kasaysayan ng kanilang paninilbihan sa gobyerno.
Sa katunayan pa nga aniya nito ay nakapagsumite na rin sila ng 22 mga pangalan ng mga proposed personalities na posibleng mapabilang sa nasabing komite na isasailalim pa rin sa evaluation para sa pagpili ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngunit nilinaw niya na bukod sa listahang kanilang isinumite ay maaari pa rin kumuha ang punong ehekutibo ng iba pang mga personalidad na wala rito.