Nasibak sa kani-kanilang mga posisyon ang mga miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Committee sa kalagitnaan ng mainitang general assembly nitong Lunes.
Iniutos ni POC president Ricky Vargas ang nangyaring rigodon sa isang talumpating binasa sa isang pulong ng mga sports officials ng bansa.
Kabilang sa mga natanggal sa kanilang puwesto si Membership Committee chairman Robert Bachmann, at Jose “Peping” Cojuangco na pinuno ng Constitutional Amendments Committee.
Binawi rin ni Vargas ang mga appointments nina 2019 Southeast Asian (SEA) Games chef-de-mission Monsour del Rosario, at ng kanyang deputy na si Atty. Charlie Ho.
Maging sina 1st Vice President Joey Romasanta, 2nf Vice President Jeff Tamayo at Treasurer Julian Tamayo ay inalis na rin sa kanilang mga puwesto.
“The individuals I mentioned have lost my trust and confidence. I can no longer have them in these positions,” wika ni Vargas.
Pinuna rin ni Vargas ang umano’y pagpupulong ng pitong members ng Executive Board, na pinamunuan ni Atty. Clint Aranas, na wala nitong pahintulot.
Kasama ni Aranas sina Cojuangco, Romasanta, Jeff Tamayo, Julian Tamayo, Jonne Go at Mikee Cojuangco, na siyang kinatawan ng Pilipinas sa International Olympic Committee.
Sa pagtatapos naman ng kanyang talumpati, nagpatawag ng eleksyon si Vargas para sa lahat ng posisyon sa Enero 2020.
“I hope this will quiet the organization and let the POC focus on more important tasks,” ani Vargas. “I will let you in on a secret – I am no saint. But I will be damned if I will allow Philippine sports to go back to its dark days.”