Inirekomenda ngayon ng Department of Justice (DoJ) ang pagsasampa ng kaso sa nasibak na si Police Col. Eduardo Acierto at pitong iba pang sangkot sa magnetic lifter scam.
Humaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa shabu na natagpuan sa mga magnetic lifters na nakalusot sa bansa.
Sa resolusyong may petsang Abril 8, kasama sa mga pinasasampahan ng DOJ panel ng kaparehong kaso sina dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) deputy chief Ismael Fajardo at dating Customs intelligence agent Jimmy Guban.
Nag-ugat ang DoJ resolution sa isinagawa nilang preliminary investigation sa mga reklamong inihain ng PDEA at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 40 katao na sinasabing sangkot sa smuggling ng bilyong pisong halaga ng shabu noong nakaraang taon.
Una rito, nasabat sa Manila International Container Port noong Agosto, 2018 ang P11 billion na halaga ng shabu na nakasilid sa cylindrical magnetic lifters.
Kinabukasan nito ay natagpuan din ang apat na kaparehong magnetic lifters na walang nang laman sa Cavite.
Si Acierto ay hindi nagpakita sa mga isinagawang pagdinig sa DoJ pero kamakailan lamang nang ito ay lumantad at idinawit si Michael Yang, dating presidential adviser ng Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa illegal drug trade.
Ang kontrobersiyal na dating police official ay una nang na-dismiss sa serbisyo dahil umano sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang pagbili ng AK-47 rifles na kinalauna’y nakita sa posisyon ng New People’s Army (NPA).