-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bacolod City Police Office kaugnay sa pag-abduct ng armadong mga lalaki sa retired police na isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa illegal drug trade.

Ayon sa Bacolod City Police Station 2, nasa Metro Inn sa 6th Lacson Street si retired Police Major Lito Pirote nang dinampot ito ng limang armadong mga lalaki, Biyernes Santo ng hapon.

Dumadalo si Pirote sa family reunion nang biglang dumating ang mga suspek na nakasuot ng bonnet, bullet proof vest at armado ng mataas na kalibre ng baril.

Kanilang dinis-armahan ang guwardiya, tinutukan ng baril ang lahat ng mga staff at binantaang huwag makisali sa eksena.

Lalaban pa sana si Pirote sa mga suspek ngunit pinalo ito ng baril sa kamay at hinampas din ng tubo sa kanyang paa.

Kaagad itong isinakay sa puting van na kaagad namang umalis sa lugar.

Sa pag-usisa ng Bombo Radyo Bacolod, tubong Barangay Villamonte sa Bacolod City si Pirote at kakauwi lang mula sa Maynila upang dumalo sa kanilang family reunion.

Huwebes Santo umano nag-check in sa nasabing hotel ang dating pulis at dito na nanatili hanggang Biyernes.

Sa ngayon, tumanggi muna ang kanyang pamilya na magbigay ng pahayag kaugnay sa insidente.

Sa Pirote ay kabilang sa apat na mga aktibong pulis na isinangkot ni Duterte sa illegal drug trade at kabilang sa drug matrix na kanyang inilabas noong October 2018.

Kasama nito sa listahan sina Senior Supt. Leonardo Suan, Inspector Conrado Caragdag Jr. at Senior Police Officer 4 Alejandro Liwanag.

Si Pirote ay assigned noon sa Police Regional Office Central Luzon ngunit nang lumabas ang drug matrix, kaagad silang inilipat sa Police Holding Administrative Unit (PHAU) sa Camp Crame.

Kabilang din sa drug matrix sina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) deputy chief for administration retired general Ismael Fajardo, dismissed Senior Supt. Eduardo Acierto at Jimmy Guban, ang agent ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence and Investigation Service.