Hiniling ng dating Minnesota police officer na si Derek Chauvin sa hukom na ibasura ang kinakaharap na murder charges laban sa kanya kaugnay sa pagkamatay ng Black American na si George Floyd.
Batay sa court papers, inihayag ng abugado ni Chauvin na mayroong lack of intent para patunayan ang reklamong second-degree murder, third-degree murder at second-degree manslaughter na kinakaharap ng kanyang kliyente.
Matatandaang ang pagkamatay ni Floyd ay naging sanhi ng malawakang protesta laban sa racism at police brutality hindi lamang sa Estados Unidos maging sa iba’t ibang panig ng mundo.
Samantala, sinabi naman ng mga tagausig na napakarahas ng pagpatay kay Floyd kaya nais nila ng mas mahigpit na sentensya sakaling mahatulang nagkasala sina Chauvin at ang tatlong iba pang officers.
Naghain din ng notice ang mga prosecutors na humihiling para sa “upward sentencing departure” sa mga kaso nina Chauvin, J. Alexander Kueng, Thomas Kiernan Lane at Tou Thao.
Giit ng prosekusyon, “particularly vulnerable” si Floyd dahil nakaposas ito habang pinipigilan ng mga pulis.
“Mr. Floyd was treated with particular cruelty,” saad ng prosecutors. “Despite Mr. Floyd’s pleas that he could not breathe and was going to die, as well as the pleas of eyewitnesses to get off Mr. Floyd and help him, Defendant and his codefendants continued to restrain Mr. Floyd.”
Maliban dito, inabuso rin daw ng mga pulis ang kanilang posisyon, at isinagawa ang krimen sa harap ng mga bata.
Una nang naghain ang iba pang tatlong dating pulis ng motion to dismiss, ngunit wala pang inilalabas na pasya rito si Judge Peter Cahill.
Itinakda sa Setyembre 11 (Setyembre 12 sa Pilipinas) ang susunod na pagdinig sa kaso. (CNN/ Fox News)