Patay ang isang dating pulis at dalawa nitong kasamahan sa ikinasang operasyon ng PNP-Anti Kidnapping Group sa Brgy. Behia, Tiaong, Quezon kaninang madaling araw.
Kinilala ni PNP-AKG Director PBGen. Jonnel Estomo ang mga napatay na suspek si dating Patrolman Rico Moog Gutierrez at Jose Pitarque Alcaria, habang hindi pa nakikilala ang pangatlong suspek.
Ayon kay Estomo, magsisilbi sana ng search warrant ang mga operatiba ng AKG sa tahanan ni dating Patrolman Gutierrez nang bigla silang paputukan ng mga suspek na nag resulta sa 15 minutong sagupaan na naging dahilan sa pagkasawi ng tatlong suspek.
Si Pat. Gutierrez ay dating naka assign sa Quezon Police Provincial office bilang intelligence operative at na-reassign sa PRO BARMM bago ito mag-AWOL na nagresulta sa kanyang dismissal sa serbisyo.
Sinabi ni Estomo nakatanggap sila ng impormasyon, na kinakanlong umano ni Pat. Gutierrez ang kanyang tiyuhin si Jaime Moog, na kabilang sa National Most Wanted ng DILG na may nakapatong sa ulo na reward money na nagkakahalag ng P500,000 para sa kasong kidnapping for ransom.
Wala si Moog sa lugar nang maganap ang enkwentro.
Narekober sa bahay ni Pat. Gutierrez ang dalawang long rifle 5.56, 1 semi-auto shotgun, 1 cal .45 revolver, 1 cal 22 rifle, 1 .380 pistol, 1 super .38, 5 cal .45, 100 gramo ng shabu at drug paraphernalias.
Nakuha naman sa bahay ni Jose Alcaria ang 1 cal .45 pistol and 1 cal .38 revolver.
Ongoing naman ang follow-up operation ng PNP-AKG laban kay Moog.