(Update) LEGAZPI CITY – Inihahanda na ang kasong kakaharapin ngayon ng isang high value target at drug watchlisted personality sa Daraga, Albay na naaresto sa buy bust operation sa Brgy. San Roque.
Napag-alamang isang dating pulis subalit nag-AWOL sa serbisyo na 12 taon na ang nakakaraan si Zandro Oscillada, 47, na residente ng Brgy. Tagas sa kaparehong bayan.
Ilang buwan na umano itong nasa surveillance hanggang sa mapapayag na makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpakilalang buyer.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol Director Christian Frivaldo, sinabi nito na kilalang big-time supplier ng shabu sa lugar ang suspek.
Isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng PDEA at sa kooperasyon ng Daraga PNP.
Kabilang sa mga narekober sa suspek ang 12 sachet ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 50 gramo o market value na P200,000; non-drug paraphernalia; buy-bust money, maging ang cellphone na ginamit sa transaksyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.