Nasabat ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang pulis na wanted matapos mahatulan sa kasong robbery extortion.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng Regional Security Operations Unit at ng Regional Intelligence Division ng NCRPO dakong ala-1:00 ng hapon sa Brgy. Poblacion, Guiguinto, Bulacan.
Kinilala ni NCRPO chief, C/Supt. Guillermo Eleazar ang naarestong wanted na si SPO2 Ferdinand Cajipe, nakatalaga sa Police Security Protection Group na nag-awol o absence without official leave dahil sa kasong kinakaharap nito.
Ang kaso laban kay Cajipe ay nag-ugat makaraang sampahan ng kaso ng nabiktima nitong si Myrna Germedia ng robbery extortion sa Office of the Ombudsman noon pang July 2002.
March 2007 pa nang mahatulan si SPO2 Cajipe ng guilty beyond reasonable doubt ni Judge Silvino Pampilo Jr., presiding judge ng regional trial court (RTC) Branch 26 sa siyudad ng Manila.
Umapela si Cajipe sa Court of Appeals pero kinatigan pa rin ang desisyon ng mababang korte.
Naglabas naman ng resolusyon ang Korte Suprema noong Pebrero taong 2012 na ang conviction ay final at executory.
Napag-alaman na si Cajipe ay kabilang sa high value target list (Level III) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Cajipe ay may bank account na nagkakahalaga ng P7.72 million pero kasalukuyang na-freeze ng Anti-Money Laundering Council dahil sa koneksiyon umano nito kay Peter Co, na isang convicted drug lord.