CAUAYAN CITY – Iminungkahi ni retired Commission on Elections (Comelec) Commisioner Atty. Armando Velasco na repasuhin ng poll body ang sistema ng automated election sa bansa.
Ito’y kaugnay sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na alisin na ang Smartmatic bilang service provider ng mga vote counting machine dahil sa nagagamit umano ito sa pandaraya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Velasco, sinabi niya na nakapaloob sa Republic Act 8436 ang paggamit ng automated election sa bansa na inamyendahan ng amended Republic Act 9369 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Comelec na gamitin ang automated Election System (AES).
Nanalo ang Smartmatic sa bidding noong 2010 kaya ito ang ginamit ng pamahalaan sa halalan noong 2013, 2016 at maging ngayong taon.
Ayon kay Velasco, sa pagkakaalam nila ay hindi panghabambuhay ang kontrata ng Smartmatic sa Comelec kundi dapat kada halalan ay magkakaroon ng bidding sa mga gagamitin sa pagpapatupad ng automated election.
Sa kanyang pananaw ay panahon na rin para gumamit ang Comelec ng ibang teknolohiya dahil sa nakalipas na apat na halalan na paggamit sa Smartmatic ay nagkakaroon pa rin ng aberya sa panahon ng halalan.