Hindi na rin napigilan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang bumwelta sa alegasyon ng kapabayaan kaya lumala ang problema sa territorial issue sa West Philippine Sea.
Ito’y makaraang matalakay ng Pangulong Rodrigo Duterte ang usapin sa China at ang presensya ng higanteng bansa sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Aquino, batid ng nakararami na sila ang lumaban at nanalo sa Arbitral Tribunal at pagkakataon naman sana ng kasalukuyang liderato na gawin ang lahat para maisakatuparan ang ating napanalunan.
Bumwelta rin ito sa alegasyong inabandona nila ang standoff noong 2012 kaya nakapamayagpag ang Beijing.
Giit ng dating presidente, masama ang lagay ng panahon noon kaya kinailangang mag-pullout muna ang tropa ng pamahalaan.
Nagkaroon din daw ng kasunduan para lisanin sana ng dalawang bansa ang shoal ngunit kalaunan ay binawi ng higanteng bansa ang kanilang pagpayag.
Si Aquino ay hindi dumalo sa nakaraang SONA ni Pangulong Duterte noong Hulyo 22, 2019.