Ipinagtanggol ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga bumabatikos kaugnay sa umano’y kapalpakan ng pamahalaan sa pangangasiwa sa COVID-19 crisis.
Sa isang pahayag, inihalintulad ni Arroyo ang mga bumabatikos sa Pangulong Duterte sa isang “Monday morning quarterback” o mga nagbabato ng kritisismo matapos ang isang pangyayari.
Ayon kay Arroyo, madali lamang daw na bumatikos ang mga kritiko lalo pa’t hindi naman daw sila ang namumuno.
“It is easy for them to be a Monday morning quarterback because they are not the ones in charge,” saad ni Arroyo.
Si Arroyo, na umupo rin bilang House Speaker noong Hulyo 2018 hanggang Hunyo 2019 makaraang patalsikin sa nasabing puwesto si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez, ay kilalang tagasuporta ng Pangulong Duterte.
Matatandaang si Arroyo ang presidente ng bansa sa kasagsagan ng outbreak ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong 2003, bird flu noong 2006, at swine flu noong 2009.
Una nang umani ng negatibong reaksyon ang Pangulong Duterte dahil sa kakulangan umano ng kongkretong plano para maresolba ang isyu sa pandemya, na hindi raw nito inilahad sa kanyang SONA.
Ngunit depensa mismo ng Pangulong Duterte, hindi raw sila makabalangkas ng roadmap sapagkat inuna raw nila ang pondo para sa COVID-19 response.
“Sabihin ninyo wala kaming roadmap. The roadmap ng recovery natin, sabi ko nga hindi ako nagbabasa ng newspaper. If it’s about me I do not read… ‘Duterte, where is the roadmap?’” pahayag ni Duterte.
“Hindi nga kami maka-roadmap because we were talking about budget. Itong gabing ito. I could not have uttered a single sentence about roadmap to recovery kasi ang una talaga dyan, ang medicine,” dagdag nito.