Nagpa-alala si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na hindi dapat tanggapin bilang personal na kaalaman ng mga resource person ang anumang mga sabi-sabi.
Ginawa ng dating presidente ang pahayag sa ikaapat na pagdinig ng Quad Committee na humihimay sa mga paglabag umano sa batas ng ilang pulis, mga krimen na kaakibat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at iba pa.
Para kay Arroyo, ang mga testimonya na base sa kwentong hindi nakabatay sa personal na kaalaman ay hindi umano mapagkakatiwalaan.
Ang mga paalala ng Pampanga congresswoman ay kasunod ng pagsalang kamakailan sa ilang bilanggo mula sa Davao na sina Fernando Magdadaro at Leopoldo Untalan Tan Jr.
Matatandaang sinabi nina Magdadaro at Tan na naniniwala silang ang utos na patayin ang tatlong Chinese drug lords ay mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bahagya raw kasi nilang narinig ang boses ni Duterte habang kausap sa telepono ni Supt. Gerardo Padilla.