-- Advertisements --

Inamin ni Vice President Sara Duterte na inalok siya ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na bayaran ang mga gastusin sa pagkuha ng mga abogado na humahawak sa mga kaso ng impeachment na isinampa laban sa kaniya.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo, ibinahagi ng pangalawang pangulo na nakikipagpulong siya sa maraming mga abogado para sa depensa mula noong nakaraang taon bilang paghahanda sa mga proseso ng impeachment.

Ipinaliwanag niya na nag-organisa sila ng team ng mga abogado para sa bawat kaso upang matiyak ang tamang representasyon.

“Inalok ni Pangulong Duterte na magpadala ng pera para sa mga abogado dahil alam niyang maraming mga abogado ang kailangan,” wika ni VP Sara.

Gayunpaman, ipinasabi niya sa kaniyang ama na huwag nang magpadala ng anumang pera, dahil nakahanda na sila para sa mga impeachment.

Binigyang-diin ng nakababatang Duterte na nagsimula ang paghahanda nila para sa legal battle noong nakaraang taon matapos imungkahi ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro ang posibilidad ng pag-impeach sa kaniya.

“Nang makita namin ang patuloy na pag-atake laban sa akin, nagsimula kaming maghanda para sa mga abogado,” pahayag pa ni VP Duterte.

Sa ngayon, dalawang reklamo ng impeachment na ang isinampa laban sa kaniya sa Kamara.