Dinipensahan ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang paggamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng gamot na fentanyl.
Aniya, legal ang naturang painkiller at ang ipinagbabawal o iligal ay ang cocaine.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos iugnay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga naging alegasyon ni Duterte laban sa kaniya na isang drug addict at nasa drug watch list ng PDEA bilang epekto umano ng paggamit ng fentanyl ng dating Pangulo.
Matatandaan, noong 2016, inamin ng dating pangulo na gumagamit siya ng fentanyl patches para maibsan ang pananakit ng kanyang spinal dahil sa tinamong injury sa aksidente sa motorsiklo noong alkalde pa siya ng Davao.
Sinabi din noon ng dating Pangulo na aksidente niyang nagamit ang buong fentanyl patch sa halip na 1/4 lang dapat kung saan inilarawan niyang parang paradise ang naramdaman niya ng ginamit niya ito.
Kayat pinagsabihan daw siya ng kanyang doktor nang makita ng nito na buong patch ang gamit niya.
Base sa pananaliksik ng bombo radyo news team, ang fentanyl ay isang malakas na painkiller na ginagamit upang gamutin ang matinding sakit na dulot ng major trauma o surgery, at para sa malalang sakit na dulot ng kanser.
Mayroong 6 na klase ang fentanyl gaya ng patches na dinidikit sa balat, lozenges o maliit na medicinal tablet na hugis diamond, mga tabletas na nilulusaw sa mouth, sublingual tablets o sa ilalim ng dila, spray na inaapply sa loob ng ilong, at mayroon ding fentanyl na binibigay sa pamamagitan ng injection bilang parte ng anesthesia bago ang surgery.
Maliban sa pain relief, ang iba pang epekto nito ay gaya din ng ibang opioids drug kabilang ang Sedation, Relaxation at Euphoria.
Nagdudulot din ang fentanyl ng pagkalito, pag-kaantok, pagkahilo, (pasintabi po) pagduduwal, pagsusuka, urinary retention, pagliit ng pupil sa mata, at respiratory depression, o paghinga ng masyadong mabagal o mababaw.
Kapag na-overdose naman o nasobrahan sa dosage na prescribe ng doktor, maaari itong humantong sa pagkatulala, pagbabago sa laki ng pupil, malamig na balat, Cyanosis o ang pagka-bluish na kulay ng balat dahil sa mababang lebel ng oxygen.