Dumalo si dating presidential spokesperson Harry Roque sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator hubs sa Luzon.
Ito ay kahit na ipinaalam niya sa mga mambabatas noong nakalipas na linggo sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na hindi ito makakadalo sa pagdinig dahil sa nauna ng scheduled court hearing nito.
Matatandaan na inimbitahan si Atty. Roque para dumalo sa Senate inquiry matapos na sabihin ni PAGCOR chairman Alejandro Tengco sa nakalipas na pagdinig na tumulong ang dating Palace official sa Lucky South 99, ang ni-raid na POGO hub s Porac, Pampanga para muling mag-apply ng lisensiya para makapag-operate at maayos ang kanilang mga atraso, bagamat hindi na public official noon si Roque nang mangyari ang naturang pagpupulong.
Una naman ng nilinaw ni Roque na hindi siya naging legal counsel ng anumang ilegal na POGO maging ng Lucky South 99.
Subalit nanindigan si Tengco na pinangalanan si Roque bilang legal head sa organization chart na isinumite ng Lucky South 99 sa PAGCOR para sa muling pag-apply ng kanilang lisensiya.