Naghain ng counter-affidavit si dating Presidential Spokesperson Harry Roque laban sa mga reklamong cyberlibel at libel ni dating Senador Antonio Trillanes IV.
Sa isang statement, sinabi ni Atty. Roque na noong Hunyo 18, hiniling niya sa Quezon City Prosecutor’s Office na ibasura ang mga kasong libelo ni Trillanes dahil sa kawalan ng probable cause.
Nagsumite rin si Roque ng counter-charge laban kay Trillanes dahil sa paglabag sa RA 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” at RA 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”
Sinabi din ni Roque na ipinagkanulo ni Trillanes ang tiwala ng publiko dahil sa kanyang backchannel negotiations sa mga opisyal ng China noong taong 2012.
Kung matatandaan, noong Mayo 14 ng kasalukuyang taon, una ng sinampahan ni Trillanes si Roque at vlogger na si Byron Cristobal o Banat By, kasama ang iba pang personalidad dahil sa mga pahayag laban sa kanya.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Trillanes na nag-post si Roque ng video sa Facebook kung saan inakusahan siya ng pagbibigay ng Scarborough Shoal sa China.
Samantala, pinarinig naman ni Cristobal ang mga pahayag ni Roque sa kanyang video at pagkatapos ay ipinahayag ang kanyang pagsang-ayon.
Bilang tugon naman sa counter affidavit ni Roque, sinabi ni Trillanes na wala umano itong mapapala at mas maiging ilaan na lamang umano ni Roque ang kaniyang oras sa pagtravel kasama si Mr. Supranational.
Tinutukoy ni Trillanes ang dating Executive Secretary ni Roque na si Mister Supranational Philippines 2016 Alberto Rodulfo De La Serna na naging “travel companion” ni Roque noong pres. spox pa ito sa kaniyang pagbisita sa 3 European countries noong 2023 na naging kontrobersiyal matapos ilang dokumento ng affidavit of support kay dela Serna na pirmado ni Roque ang nakumpiska sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.