Plano ni dating Presidential spokesperson Harry Roque na maghain ng kaniyang depensa sa pamamagitan ng counter-affidavit sa reklamong human trafficking laban sa kaniya.
Subalit nanindigan si Atty. Roque na hindi siya personal na haharap sa Department of Justice.
Aniya, manunumpa siya sa awtentisidad ng kaniyang counter-affidavit sa piskal sa ibang legal entities sa halip na sa DOJ.
Ginawa ni Roque ang naturang pahayag matapos maghain ang mga awtoridad ng supplemental complaint affidavit laban sa kaniya kahapon, makaraang isama siya sa inisyal na trafficking complaint laban sa awtorisadong representative ng Lucky South 99 na si Cassandra Li Ong.
Subalit, muling itinanggi ni Atty. Roque ang mga akusasyon at sinabing hindi na bago ang mga ebidensiya laban sa kaniya at malinaw umanong gawa-gawa lang ang naturang mga kaso. Umaasa naman siya na gagawin ng piskal ang kanilang katungkulan.
Iginiit din ni Roque na walang ebidensiya na nag-recruit siya o gumamit ng dahas para pagtrabahuin ang mga tao at wala din aniyang ebidensiya ng sabwatan o conspiracy.