Humingi ng tawad si dating Presidential spokesperson Harry Roque at nangako ng buong kooperasyon sa mga awtoridad sa Pilipinas at China dahil hindi nila alam na pugante pala sa China ang naninirahan sa kanilang pinauupahang bahay sa Tuba, Benguet.
Matatandaan kasi na isang pugante pala ang isa sa Chinese national na naaresto sa ni-raid na isang bahay sa subdivision sa Barangay Poblacion, Tuba, Benguet na sinasabing bahagyang pagmamay-ari ni Roque.
Ang naturang puganteng Chinese ay natukoy na si Sun Liming, 37 anyos na may pekeng dokumento at nagpanggap na isang Cambodian national bilang si Khuon Mouern.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, base sa mga report si Sun Liming ay isang very high level na pugante sa China.
Samantala, tiniyak naman ni Roque sa mga awtoridad ng PH at sa Embahada ng China na makikipagtulungan siya at nilinaw na ang PH2 Corporation na nagmamay-ari sa ni-raid na bahay kung saan ay isa siya sa stockholder, ay hindi tinulungan o kinanlong ang puganteng Chinese sa anumang properties nito at tinapos na aniya ng kompaniya ang kontrata ng nangungupahang babaeng Chinese na kasama ni Liming na si Wan Yu ngayong Hulyo.
Ipinaliwanag din ni Roque na hindi nila alam na mayroong lalaking kinakasama ang kanilang lessee na sangkot umano sa massive fraud sa China.
Aniya, nang pumasok ang korporasyon sa isang lease contract sa chinese national na si Wan Yun noong Enero 15, 2024, sinabi nitong single siya na nakasaad sa kaniyang pinakitang pasaporte at alien registration certificate.
Muling binigyang diin pa ni Roque na hindi siya nag-lobi o naglakad ng license renewal ng ni-raid na POGO hub ng Lucky South 99 na nasa Porac, Pampanga.