-- Advertisements --

Handang humarap si Atty. Salvador Panelo na nagsilbing dating tagapagsalita at chief legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sakaling ipatawag siya sa mga imbestigasyon sa kontrobersiyal na gentleman’s agreement na pinasok umano ng dating Pangulo sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Nang tanungin naman kung handa ring makipagtulungan si dating Pang. Duterte sa imbestigasyon ng Senado sa isyu, tugon ni Panelo na dapat ang dating pangulo ang tanungin mismo ukol dito.

Una na kasing naghain si Senator Risa Hontiveros sa Senado ng Senate Resolution No. 982 na naghihimok sa mataas na kapulungan ng Kongreso na imbestigahan ang kontrobersiyal na kasunduan.

Tinawag naman ito ni Panelo na isa umanong “publicity, in aid of grandstanding”.

Sa kabila nito, muling nilinaw ni Panelo na itinanggi na ng dating Pangulo na pumasok ito sa ganoong kasunduan sa China.

Lumitaw nga ang umano’y kasunduan sa pagitan nina Duterte at Chinese Pres. Xi jingping matapos isiwalat ni dating Presidential spokesperson Harry roque na nagkaroon ng verbal agreement ang dating pangulo sa China na panatilihin ng parehong panig ang status quo sa WPS.

Sa ilalim din aniya ng naturang kasunduan, pinagbabawalan ang Pilipinas na magdala ng mga materyales para sa pagkumpuni ng luma na at kinakalawang na outpost ng bansa na BRP Sierra Madre na isinadsad sa may Ayungin shoal sa WPS.

Subalit, sa panig naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakali man na nagkaroon umano ng nasabing kasunduan kaniya na itong binabawi.