(Update) Muling napawalang-sala si dating US President Donald Trump sa makasaysayang ikalawang impeachment trial na isinagawa ng US Senate.
Ito ay may kaugnayan sa nangyaring kaguluhan sa US Capitol noong buwan ng Enero.
Sa resulta ng botohan ng mga US senators, nakakuha ng 43 ang “not guilty” habang 57 ang “guilty” sa article of impeachment na incitement of sedition.
Bagama’t lamang ang guilty votes, kinapos ang mga ito na makuha ang supermajority o two-thirds ng mayorya ng Senado upang ma-convict si Trump.
Pito sa mga senador sa Republican Party, na partido ni Trump, ang bumoto pabor sa pag-impeach sa dating pangulo, na kinabibilangan nina Richard Burr, Bill Cassidy, Susan Collins, Lisa Murkowski, Mitt Romney, Ben Sasse, at Pat Toomey.
Sakaling na-convict si Trump, magbobotohan din ang Senado para pagbawalan ito na tumakbo sa alinmang federal office sa hinaharap.
Agad namang binanatan ni Senate Majority Leader Chuck Schumer ang naging pasya ng Senado na i-acquit si Trump, na tinawag nitong “un-American” at insulto sa kanilang mga bayaning nag-alay ng buhay para sa Estados Unidos noong mga nakalipas na siglo.
Binatikos din nito ang 43 senador na bumoto para ipawalang-sala si Trump.
“January 6 will live as a day of infamy in the United States. The failure to convict Donald Trump will live as a vote of infamy in the history of the United States Senate,” wika ni Schumer ilang minuto matapos ang botohan.
“The former President inspired, directed, and propelled a mob to violently prevent the peaceful transfer of power, subvert the will of the people, and illegally keep that President in power,” anang senador.
“There is nothing, nothing more un-American than that,” dagdag nito. “There is nothing, nothing more antithetical to our democracy… insulting to the generations of Americans patriots who gave their lives to defend our form of government.”
Kung maaalala, nag-ugat ito sa riot sa US Capitol building noong Enero 6 (local time) kung saan sinugod ng mga tagasuporta ni Trump ang lugar upang harangin ang pagbibilang ng Kongreso sa electoral votes para sertipikahan ang panalo ni Joe Biden sa presidential elections noong Nobyembre.
Giit ng mga Democrats, tila inudyukan pa ni Trump ang mga supporters nito para guluhin ang Capitol at saktan ang mga kritiko nito.
Ang ikalawang impeachment trial ni Trump ay tumagal lamang ng limang araw, na sinasabing pinakamaikli sa American presidential history.
Tila binasag din ni Trump ang dati nitong record noong 2020 kung saan tumagal lamang ng 21 araw ang pagdinig tungkol sa umano’y foreign interference sa halalan. (CNN/ BBC/ Fox News)