Muling iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi niya kailanman isinuko ang ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea sa China.
Ayon kay Duterte, walang naganap na gentleman’s agreement sa pagitan nila ni Chinese President Xi Jin Ping hinggil sa pinag-aagawang teritoryo.
Sinabi ng dating pangulo na ang tanging naaalala lamang nito ang pinag-usapan nila ay tungkol sa status quo.
Sa ilalim nito, hindi gagawa ng anumang hakbang ang Pilipinas at China na magdudulot ng tensiyon sa WPS kabilang na ang pagdadala ng mga construction materials sa BRP Sierra Madre.
Sa kabila nito ay hinamon ni Duterte ang kasalukuyang Pangulo ng bansa na kumpunihin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Una rito ay nagpahayag nga ng pangamba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa umano’y secret agreement ni Duterte at ng China.
Aniya, maku-kumpurmiso nito ang teritoryo ng Pilipinas maging ang sovereign rights nito.
Hinihintay rin aniya niya si Chinese Ambassador Huang Xilian na bumalik sa Pilipinas para pagpaliwanagin sa naturang usapin.