Plano ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humiling ng temporary restraining order (TRO) para mapigilan ang pag-aresto sa kaniya sakaling ipagpatuloy ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs campaign ng kaniyang administrasyon.
Ito ang pagsisiwalat ni dating Presidential spokesman Harry Roque.
Ayon din kay Roque, nakipagkita si dating Pangulong Duterte sa dating miyembro ng kaniyang gabinete Lunes ng gabi para talakayin ang hinggil sa imbestigasyon ng ICC at ang kaniyang plano sa pagharap sa ibinabatong alegasyon sa kaniya gaya ng crimes against humanity.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang pagpupulong ay sina dating Executive Secretary Salvador Medialdea, former Justice Secretary na ngayon ay Solicitor General Menardo Guevarra, at iba pang kinatawan ng Department of Justice (DOJ.
Paliwanag ni Roque na sa pamamagitan ng TRO mapipigilan ang mga law enforcement officers sa bansa na magsilbi ng warrant of arrest laban sa dating Pangulo sakaling ito ay iisyu ng ICC.
Ani Roque na igigiit ni Duterte na walang basehan ang foreign institutions na makialam sa mga isyu ng isang sovereign country dahil mayroon namang sariling hukuman ang Pilipinas para imbestigahan ang naturang mga kaso.
Nanindigan si Roque na handa at payag ang dating Pangulo na harapin ang mga kasong ito dahil wala na itong immunity bilang punong ehekutibo kung ang mga kaso na ito ay lilitisin sa hukuman ng bansa.
Una rito, inanunsiyo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr na walang itong intensyon na makibahagi sa imbestigasyon ng ICC.