Binatikos ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang tuluyang pagtanggal kay Vice Pres. Sara Duterte sa National Security Council (NSC).
Tinawag ni Panelo ang naturang hakbang bilang politically-motivated at ill-advised.
Ayon pa sa batikang abogado, ang ginawang hakbang ay upang ikubli ang tunay na target ng administrasyon, at ito ay si VP Sara.
Maliban kasi kay VP Sara ay tinanggal din sina dating Pang. Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Ejercito Estrada.
Pero giit ni Panelo ang pagtanggal sa dalawang dating pangulo ay upang mapagtakpan ang pagtarget kay VP Sara at hindi ito hayagang ipakita sa publiko na siya talaga ang pangunahing target.
Unang inilabas ni Pang. Marcos ang Executive Order No. 81 s. 2024 na naging basehan ng naturang hakbang.
Batay sa naging opisyal na pahayag ng Malacañang kahapon (Jan 3, 2025), hindi umano ikinokonsidera si VP Sara bilang ‘relevant’ o akma sa mga responsibilidad na ginagampanan ng konseho.
Ayon naman kay National Security Adviser (NSA) Eduardo Año na nagsisilbi rin bilang NSC Director General, ang naging hakbang ng Pangulo ay mahalaga para mas mapalakas pa ang formulation o pagbuo ng mga polisiyang nakaka-apekto sa national security, salig na rin sa kapangyarihan at responsibilidad ni Pang. Marcos.