-- Advertisements --

VIGAN CITY – Iginiit ng isang dating opisyal ng Duterte administration na hintayin na lamang ang desisyon ng Supreme Court (SC) kaugnay pa rin sa inihain ng Office of the Solicitor General na quo warranto petition laban sa ABS-CBN.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na kung maaari ay hayaan munang umusad ang proseso hinggil sa nasabing petisyon bago magsalita o magbigay ng anumang komento.

Ang petisyon ay dahil aniya sa “highly abusive practices” ng nasabing network at dahil dito, naniniwala si Roque na walang kinalaman ang Kongreso sa isyu.

Inaasahan naman ng naturang media law at constitutional expert na mabibigyan din ng pagkakataon ang ABS-CBN na magpaliwanag at tiyak umanong magiging patas ang desisyon ng SC.

Sa ngayon ay dapat daw pagtuunan ng pansin ng network ang pagkuha nila ng bagong prangkisa dahil hanggang March 30 na lamang ang kanilang franchise to operate.