Inabswelto ng korte sa Japan ang dating professional Japanese boxer na si Iwao Hakamata, 88 anyos, sa 1966 murder cases.
Sa pambihirang retrial sa itinuturing na World’s longest death row convict, ang naging ruling ng korte ay fabricated o gawa-gawa lang ang murder cases laban sa kaniya.
Naaresto si Hakamata noong taong 1966 sa umano’y pagpatay sa kaniyang senior colleague kasama ang kaniyang asawa at kanilang 2 anak sa Shizouka province sa Japan. Taong 1980 nang ma-convict at patawan ng parusang kamatayan ang ex-Japanese boxer.
Subalit noong Marso 2023, inihayag ng Tokyo High Court na may malaking posibilidad na planted ng mga imbestigador ang pangunahing ebidensiya sa kaso.
Namagitan naman ang Japanese Supreme Court sa kaso kayat muling binuksan ang kaso noong nakalipas na taon. Halos 50 taong nakulong si Hakamata subalit pinalaya siya noong 2014 matapos lumutang ang mga bagong ebidensiya.
Ang kaso ng dating professional boxer ang ika-5 pagkakataon sa post-war Japan na nagresulta ang retrials sa pag-abswelto ng isang akusado matapos patawan ng parusang kamatayan.