ILOILO CITY – Nananatili pa rin sa hospital si dating Iloilo Provincial Administrator Manuel “Boy” Mejorada matapos tumaas ang blood pressure kasunod ng pagkaaresto sa kanya na may kaugnayan sa kasong cyberlibel.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Jonathan Pinuela ng Provincial Special Operations Group, sinabi nitong limang warrant of arrest ang kanilang isinilbi kay Mejorada.
Ayon kay Pinuela, noong nakaraang araw pa niya natanggap ang warrant of arrest ngunit kahapon lamang ito naisilbi sa bahay ng dating Provincial Administrator sa Parc Regency, Brgy. Balabag, Pavia, Iloilo.
Inihayag ni Pinuela na kinuwestyon pa umano ni Mejorada ang kanyang kapangyarihan sa pagsilbi ng warrant of arrest.
Ayon naman sa abogado ni Mejorada na si Atty. Deo Virgil Tan, minabuti na lamang nilang i-admit sa ospital ang dating provincial administrator upang masiguro ang kaligtasan nito.
Magbabayad din daw ng piyansa ang kanyang kliyente.
Nag-ugat ang nasabing kaso dahil sa pagtawag umano ng dating provincial administrator/blocktimer kay Iloilo Governor Arthur Defensor Sr. na magnanakaw.