Tinuligsa ng isang miyembro ng Kamara De Representantes ang mag-amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice Sara Duterte dahil sa pagpapalaganap ng karahasan, kahit sa pampublikong diskurso.
Babala ni Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora ng Young Guns bloc, ang ganitong mga pahayag ay nagpapalakas ng kultura ng kawalan ng batas at nagpapahina sa demokrasya.
Binatikos din ng lady solon ang mga mga kamakailang pahayag ng nakatatandang Duterte, kung saan pabiro niyang sinabi na papatayin ang 15 senador upang mabigyang-daan ang kanyang mga kaalyadong kandidato sa Senado.
Pinuna din nito ang Bise Presidente, na ang kilos ay wala rin ipinagkaiba sa kaniyang ama sa istilo ng pamumuno.
Sinabi ni Zamora na ang pamumuno ay hindi tungkol sa pagpapalaganap ng takot kundi sa pagbibigay ng tiwala at kumpiyansa sa taumbayan.
Binigyan diin ng kongresista na sa ilalim ng administrasyong Duterte, libu-libo ang napatay sa madugong giyera kontra droga na patuloy na iniimbestigahan ng international human rights bodies.
Babala ni Zamora na ang ganitong uri ng marahas na pamumuno, at manipulasyon sa pulitika, at isang mapananib na senyales.
Panawagan ng mambabatas sa mga Pilipino, huwag tanggaping normal ang karahasan kundi ay manindigan para sa pananagutan.
Hinikayat din niya ang mga kapwa mambabatas na manindigan laban sa anumang pagtatangkang gawing lehitimo ang pananakot at pagbabanta bilang bahagi ng pampulitikang usapan.