Tahasang inihayag ng isang kongresista mula Maynila na hindi bayani o Diyos si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iginiit na wala itong kapangyarihan upang iabswelto ang mga tiwaling pulis na sangkot sa extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga.
“He is not a hero. He is not God. He is not the law. He is not above the law. He is a plague,” sabi ni Rep. Rolando Valeriano, miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Saad ni Valeriano na dapat pairalin ang batas at panagutin ang mga may sala, sila man ang principals, conspirators, accomplices, o accessories sa krimen.
Punto ni Valeriano na hindi ang dating Pangulong Duterte ang magdetermina kung sino ang mga sala sa kaniyang brutal na war on drugs.
Grandstanding o pagpapabida lang din aniya ni Duterte nang akuin nito ang responsibilidad sa mga krimen na nagawa ng mga pulis na sumunod sa kaniyang mga utos na udyukan na manlaban ang mga suspek upang mapatay nila ang mga ito.
Binigyang diin ni Valeriano na inaabangan ng House Quad Comm ang pangako ng dating lider na dadalo siya sa pagdinig.
Aniya, ang Kamara ay mayruong sariling sets of questions para hukayin ang katotohanan sa likod ng madugong war on drugs.
Ang magiging findings ng Kamara sa kanilang pagdinig ay kanilang isusumite sa DOJ.
Sa ngayon walang pending criminal cases laban sa dating Pangulo subalit may pending charges ito sa International Criminal Court.
Maaari aniyang manguna na ang DOJ o Office of the Ombudsman sa pagtukoy ng pananagutan niya at ang pagtukoy sa probable cause at hayaan ang korte na tukuyin kung guilty siya.
May mga ulat na magpapalabas na ng warrant of arrest ang ICC laban kay Duterte at sa mga pangunahing tagapagpatupad ng madugong giyera kontra droga, kabilang na si dating PNP chief at ngayon ay si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.