Ipinaliwanag ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na hindi na makakasuhan pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa umano’y gentleman’s agreement nito sa China dahil hindi na ito isang public official.
Sinabi din ng dating mahistrado na impeachable ito dahil paglabag ito sa Konstitusyon.
Sa ilalim kasi ng naturang kasunduan na una ng ibinunyag ni dating presidential spokesperson Harry Roque na pinagbabawalan ang PH na magpadala ng mga materyales para sa pagkumpuni ng luma na at kinakalawang na BRP Sierra Madre na nagsisilbing military outpost ng bansa sa Ayungin Shoal sa WPS.
Tanging pinapayagan lang din umano ang paghahatid ng mga suplay na pagkain at tubig para sa mga tropang Pilipino na nakaistasyon sa naturang warship.
Una ng sinabi ni Carpio na ang naturang kasunduan ay isang disguised surrender ng karapatan sa exclusive economic zone ng PH dahil binibigyan nito ng veto power ang China sa eksklusibong karapatan ng ating bansa na magtayo ng mga struktura sa Ayungin shoal.
Samantala, sinabi din ni Carpio na maaaring dalhin ng gobyerno ng PH ang China sa tribunal ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sakaling magtayo ang Beijing ng naval base sa loob ng EEZ ng PH.
Nito namang Huwebes ng gabi, una ng itinanggi ni dating PRRD na wala itong isinuko sa China sa ilalim ng kaniyang administrasyon subalit pinanatili ang status quo sa West PH Sea kung saan hindi gagawa ang PH at China ng anumang hakbang na makakagambala sa disputed waters kabilang ang pagdadala ng contruction materials sa BRP Sierra Madre.