Iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang karapatan sa soberaniya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbanggit sa naging hatol ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands sa unang pakikipagpulong nito noon kay Chinese President Xi Jinping.
Ito ang binigyang diin ni dating Presidential spokesperson at chief legal counsel ni Duterte na si Salvador Panelo ngayong araw sa gitna ng tumitinding pagkondena sa umano’y kasunduan ng dating Pangulo sa China kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea na tinawag na gentleman’s agreement.
Sinabi ni Panelo na nagkausap sila ni dating Pangulong Duterte noong Huwebes at inalala ang naging bilateral meeting nina Duterte at Xi noong 2019 sa Beijing kung saan aniya naging maganda ang kanilang pag-uusap at binanggit din ng dating pangulo ang arbitral ruling.
Subalit ayon kay Panelo nag-iba ang mood ni Chinese Pres. Xi nang igiit ni dating pangulong Duterte ang 2016 Permanent Court of Arbitration award na nagbasura sa claims ng China sa 9 dash line map na umaangkin sa pinagtatalunang karagatan kasama na ang WPS.
Inalala ni Panelo na nagulat sila sa naging reaksiyon ng Chinese President ng sinabi nito kay Duterte na kapag iginiit aniya ang arbitral ruling magkakaroon ng gulo.
Sa naging pag-uusap din nina Panelo at Duterte sa telepono, sinabi ni Panelo na itinanggi ni Duterte na nagkaroon siya ng kasunduan sa China kaugnay sa WPS na taliwas naman sa naging pahayag ng dating Pres. spox Harry Roque na nagbunyag sa naturang gentleman’s agreement noong huling bahagi ng Marso.