Inamin ni Pang. Rodrigo Duterte sa pagdinig ng Quad Committee ngayong araw na personal niyang pinatay ang nasa anim hanggang pitong indibidwal na tinaguriang mga kriminal nuong siya ay mayor ng Davao City.
Ginawa ng dating pangulo ang pag-amin sa pagdalo nito sa pagdinig ng Quad Comm na nag-iimbestiga sa umanoy extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng Duterte administration.
Tinanong kasi ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas si Duterte kung may napatay na siya.
Sagot ng dating pangulo ay meron siyang binaril at hindi na niya na-follow up kung natuluyan ang mga ito.
Aniya, nagpapatrulya siya sa Davao sa mga kalye gamit ang motorsiklo at umaasa na may maka enkwentro siyang mga kriminal.
Diniin ni Brosas ang pananagutan ni Duterte sa EJK at hinamon ito na aminin sa publiko na siya ay may pananagutan sa lahat ng mga nangyaring patayan.
Muling nanindigan si Duterte na siya ang responsable sa lahat ng ng nagawa ng mga pulis bunsod ng kaniyang utos.
“I and I alone take full legal responsibility sa lahat na nagawa ng mga pulis pursuant to my order. Ako ang managot. At ako ang makulong, huwag ‘yung pulis na sumunod sa order ko.”
Tinanong din ni Brosas si ex-PRRD kaugnay sa “Davao model” or “Davao style na approach na kaniyang ipinatupad sa kaniyang national anti-drug campaign.
Hindi sinagot ni Duterte ang tanong bagkus, binuweltahan nito si Brosas at sinabihan ito na huwag siyang pasagutin ng yes or no.