Kinondena din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang tangkang pag-assassinate kay dating US president Donald Trump sa isang campaign rally sa Butler, Pennsylvania.
Sinabi ni Duterte na ang pamamaril sa US Republican candidate ay isang “chilling indictment” ng ating panahon.
Sa isang pahayag, sinabi ng dating Pangulo na ito ay isang wake-up call na walang sinuman, kahit isang dating pangulo at nangungunang kandidato sa pagkapangulo ay ligtas kahit sa pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.
Sinabi ni Duterte na ang nabigong pagpatay ay nangyari sa isang napakahalagang panahon kung saan 4 na buwan na lamang bago ang halalan para sa susunod na Pangulo ng Estados Unidos.
Saad pa ni Duterte na ang espekulasyon na ang may kinalaman sa darating na halalan ang marahas na insidente ay napakahirap itanggi.
Ang malaking kalamangan umano ni Trump sa presidential race ay nagdulot ng pagaalala sa mga tumututol sa kaniyang inanunsiyong mga prayoridad.
Binanggit din ni Duterte na ang resulta ng halalan sa US ay may epekto sa ibang mga bansa, kabilang ang Pilipinas, habang pinupuna ang mga patakaran ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ng Democrat na si Joe Biden.
Ang mga patakaran aniya ng Amerika sa ilalim ng administrasyong Biden patungo sa Pilipinas, partikular na ang paglalagay ng missile system sa Ilocos Norte, ay naglagay sa Pilipinas sa malaking panganib.
Nagdulot ito ng takot sa mga Pilipino na maging target ang bansa kung sumiklab ang digmaan anumang oras.
Ipinahayag ni Duterte ang kanyang pag-asa na ang mga resulta sa US presidential elections ay magpahiwatig ng mabuti para sa Pilipinas at mga Pilipino.
Hinihiling din niya ang mabilis na paggaling ni Trump mula sa kanyang mga sugat at trauma na dulot ng pagtatangkang pagpatay sa kaniya.