Mariing kinondena ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang isinagawang raid o paggalugad ng kapulisan sa properties ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy nitong Lunes, Hunyo 10 na nagresulta ng tensiyon sa pagitan ng mga pulis at miyembro ng naturang sekta bagamat wala namang nasugatan.
Sa isang statement, tinawag ng dating Pangulo ang insidente na labis at unnecessary force ng kapulisan kahit hindi naman umano mula sa Davao city sa pagsisilbi ng warrant of arrest kay Pastor Quiboloy.
Aniya, nangyari pa umano ang naturang insidente sa lugar ng sambahan at sa school premises na hindi aniya katanggap-tanggap.
Tanong ng dating pangulo kung ang naturang overkill ang magiging trademark aniya ng kasalukuyang administrasyon sa pagtrato sa mga indibidwal na inakusahan lamang na nakagawa ng krimen at hindi pa napapatunayang guilty.
Kinuwestyon din ng dating Pangulo kung papairalin ang parehong kawalan umano ng self-restraint na ipinakita sa kritiko ng kasalukuyang administrasyon sa pagtrato sa kanilang supporters.
Sinabi din ng dating pangulo na papaano aniyang magagarantiya ng kasalukuyang administrasyon ang pagpreserba ng constitutional rights ng mamamayang Pilipino kung ang pinakamahalaga sa mga karapatang ito ay tinatapakan at tahasang nilalabag.
Kung matatandaan nga, si Pastor Quiboloy ay malapit na kaibigan at spiritual adviser ni Duterte.
Noong Marso din ng kasalukuyang taon, inanunsyo ng SMNI na itinalaga ang dating Pangulo bilang administrator ng properties ng KOJC.
Nitong araw naman ng Lunes, nagkasa ng raid ang nasa mahigit 100 kapulisan mula sa Criminal Investigation and Detection Group, Special Action Force,at iba pang Philippine National Police units sa mga property ni Quiboloy kabilang ang KOJC compound sa Buhangin, Davao City, at Prayer and Glory mountains sa Barangay Tamayong.