Muling binanatan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa umano’y tuluy-tuloy lamang na pamimigay ng mga ayuda.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng dating pangulo na puro ayuda na lamang ang gustong gawin ng kasalukuyang administrasyon, habang wala aniyang mga naipapatayong mga bagong proyekto ang gobiyerno.
Ayon kay Duterte, walang bagong tulay, walang pag-aayos sa mga nasirang imprastraktura, at walang mga bagong-tayong istraktura, sa kabila ng pagkaubos ng pondo ng pamahalaan dahil inilalaan lamang ito sa ayuda.
Dagdag pa ni Duterte, kung ito ang gusto ni Pangulong Marcos na maalala sa kaniya ng taumbayan, wala siyang magagawa. Ngunit maaari aniyang mabansagan siya bilang ‘President Ayuda’ dahil sa laging pamimigay ng ayuda.
Ayon pa sa dating Pangulo, maaari pa itong mabago ng kasalukuyang administrasyon, partikular na ang pagbabago sa pokus nito.