Nagbabala si dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang takas ang Pilipinas mula sa galit ng China sa oras na tumindi pa ang sigalot pagitan ng US at China sa gitna ng pinalawig na military presence ng mga sundalong Amerikano sa bansa.
Una ng sinabi ng dating Pangulo na regular siyang nakikipagkita kay Chinese Ambassador Huang Xilian para mapanatili ang bukas na dayalogo at maiparating alitan sa pagitan ng Pilipinas at China.
Subalit, inihayag ni Duterte na iginiit ng Chinese envoy na kapag ang gobyerno ng Pilipinas ay nagbigay ng mga lugar kung saan maaaring magkaroon ng agresibong aksiyon sa China, ang Pilipinas ay palaging magiging target.
Kinuwestyon din ni Duterte ang naging desisyon ng Marcos administration na pagbibigay sa gobyerno ng US ng karagdagang military bases.
Ayon sa dating Pangulo na kung iniisip aniya na hindi magdadala ng nuclear weapons ang Amerika sa bansa, ito aniya ay masyado umanong inosente o katangahan.
Sinabi pa ni Duterte na sa pamamagitan ng pagbibigay aniya sa Amerika ng military bases ay natitiyak nito na mayroong kaakibat na nuclear warheads ang mga nuclear bases.
Pagsasalarawan pa ng dating Pangulo na kapag ang Pilipinas ay makikipaglaban sa giyera at winawasak ang kaalyado na malapit sa bansa, sigurado aniyang tatamaan ang PH dahil sa presensiya ng military forces ng US.
Ibinabala ng dating chief executive na ang radioactive materials posibleng bumagsak sa Pilipinas ay mananatili sa ating bansa sa loob ng mahigit 50 taon.
Hindi lamang aniya ito magiging mapaminsala kundi naniniwala si Duterte na magiging libingan ang Pilipinas sakaling sumiklab ang giyera.
Ito aniya ang ilan sa pinagnilayan o isinasaalang-alang ng dating Pangulo sa gitna ng pagpasok ng mga military sites sa Pilipinas sa ilalim ng Ebhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Magugunita na noong Abril, tinukoy ng Palasyo ang apat na bagong EDCA sites na isang hakbang na ikinaalarma ng China dahil ang lahat ng natukoy na lokasyon ay nasa bahagi ng Luzon.
Una na ring binigyang diin ng Marcos administration na layunin lamang ng mga EDCA site sa bansa na mapalakas pa ang military capacity ng ating mga kasundaluhang Pilipino.