Hindi nakadalo si dating Pangulo Rodrigo Duterte sa ika-9 na pagdinig ng House Quad Committee ngayong araw ng Martes na nag-iimbestiga sa extra judicial killings na may kaugnayan sa war on drugs ng dating administrasyon.
Ayon kay Quad Comm overall chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang pag-imbita kay ex-PRRD sa pagdinig ay para magbigay ng mahahalagang insights upang mabigyang linaw ang mga isyu na may kaugnayan sa extra judicial killings.
Subalit nagpadala ng short notice ang kampo ni Duterte na hindi ito makakadalo dahil hindi maganda ang pakiramdam ng dating Pangulo.
Ang short notice ay ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty Martin Delgra.
Siniguro naman ni Delgra sa joint panel ang kahandaan ng dating Pangulo na dumalo sa pagdinig sa darating na November 1,2024.
Si Delgra ay dating chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa ilalim ng Duterte administration.
Sinabi ni Barbers na nais nila marinig ang testimonya ng dating pangulo lalo na ang isyu na pagpatay sa tatlong high-profile inmates sa loob ng Davao penal colony nuong August 2016.
Sa panig ni Human Rights Committee chairman Rep. Bienvenido Abante na nais niya direktang marinig sa dating pangulo ang paliwanag kung bakit kailangan patayin ang mga suspeks sa ilalim ng anti-drug campaign.
Batay sa datos nasa mahigit 20,000 katao nasawi sa war on drugs ng Duterte admin.