Tinitignan ng progresibong grupo na Makabayan bloc ang posibleng legal na aksiyon laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos mag-isyu ng death threat sa naging panayam nito laban sa isa sa mga mambabatas na kasapi sa grupo.
Nag-ugat ito nang depensahan ng dating Pangulo sa isang panayam ang kaniyang anak na si VP Sara Duterte para sa pag-request ng P500 million at P150 million sa confidential funds para sa Office of the Vice President at Department of Education. Subalit ang panayam na ito sa dating Pangulo ay nauna ng shinut down dahil sa paglabag sa guidelines.
Binanggit din ni PRRD na ang unang target ng kaniyang anak para sa proposed confidential funds ay si ACT- Teachers Rep. France Castro at ni-red-tagged din ni Duterte ang House minority leader at iba pang miyembro ng Makabayan bloc.
Sa panig naman ng Makabayan, sinabi ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na hindi sila mapapatahimik ng pagbabanta at pananakot sa halip ay kanilang ipagpapatuloy ang pag-adbokasiya para sa government transparency at pagbuwag ng confidential funds.
Ang pagbabanta aniya sa buhay ng isang nahalal na representatives ay isang hayagang paglabag at mapanganib na pag-atake sa karapatan ng mga indibidwal na nagsusulong lamang ng transparency at accountability sa paggasta ng pamahalaan sa kaban ng bayan.
Sinabi naman ni National Union of Peoples’ Lawyers Secretary General Kristina Conti na dapat kasuhan ng direct threats si PRRD sa kaniyang naging pahayag laban kay Rep. Castro.
Una naman ng sinabi ni Rep. Castro sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo na inaasahan na nitong ipagtatanggol ng dating pangulo si VP Sara. Bagamat hindi na aniya ito nagulat at hindi na bago ang naging pagbabanta ng dating Pangulo hindi lamang sa kaniya kundi maging sa Makabayan bloc . Subalit ayon sa mambabatas maituturing itong isang grave threat. Kung kayat pinagaaralan na nila ang pwedeng legal remedy sa naging pahayag ni Ex-PRRD na posibleng ihain sa susunod na linggo.