Iimbitahan ng House Committee on Human Rights sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa pagdinig nito kaugnay ng extrajudicial killings (EJK) sa implementasyon ng kampanya laban sa iligal na droga ng nakaraang administrasyon.
Sa ikatlong pagdinig ng komite nitong Martes, iminungkahi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na imbitahan sina Duterte at Dela Rosa upang pakinggan ang testimonya ng pamilya ng mga biktima.
Ang pasya ni Abante ay makaraan na ring ang diskusyon kung saan tinanong ni Abante sina Kristina Conti, Secretary General ng National Union of People’s Lawyers-National Capital Region at Rubilyn Litao ng Rise Up for. Life and for Rights kung sila ay naniniwala na may pananagutan ang dating Pangulo sa mga pagpaslang.
Sina Conti at Litao ang tumutulong sa daan-daang pamilya ng mga biktima ng EJK, kung saan ilan sa pamilya ng mga biktima ang dumalo upang ibahagi ang kanilang nakapangingilabot na karanasan sa madugong kampanya kontra droga dahilan upang imungkahi ni Abante sa mga kapwa mambabatas ang pormal na pag-anyaya. “I would even suggest that later on we should invite the former president. Kayo po ba handa kayong humarap sa former president pag inimbitahan natin?” Tanong ni Abante, na agad namang sinang-ayunan ng mga saksi.
Naghain ng mosyon si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, na sinegundahan naman ni ACT Teachers Rep. France Castro.
Ang mosyon ay inaprubahan matapos na walang nagpahayag ng pagtutol dito.
Ang imbestigasyon ay naglalayong tugunan ang mga umano’y paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng drug war ni Duterte, na malawakang kinokondena.
Ayon sa datos ng pamahalaan, higit sa 6,200 drug suspects ang napaslang sa anti-narcotics operations mula Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021, subalit ayon sa pagtaya ng mga human rights organization higit sa 20,000 ang mga napatay na biktima na mula sa mahihirap na komunidad.
Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police sa kasagsagahan ng drug war, at sa panahon ng malaking pagtaas ng bilang ng umano’y EJK.
Binigyang-diin ni Abante ang kahalagahan ng imbestigasyon sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan sa mga pagpaslang.