Sinabihan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makuntento at maging masaya na ito sa anim na taong termino bilang presidente ng bansa.
Dagdag pa ng dating pangulo na pinatawad at inintindi ng mga Pilipino si Marcos dahil binigyan pa umano ito ng Diyos ng panahon na makapagsilbi sa Pilipinas kahit na hindi naging maganda ang kasaysayan ng pagbaba sa pwesto ng ama nitong si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Naganap ang mga pahayag na ito ng dating pangulo sa ginanap na Defend the Flag Peace Rally sa Tagum City, Davao del Norte nitong Linggo ng gabi.
Pinasaringan din ni Duterte ang planong charter change na balak umanong i-extend ang term limits.
Aniya, hindi kaaya-aya na ang isang tao o ang isang administrasyon ay gagawa ng paraan para tanggalin ang anim na taon at dagdagan ito ng panibagong termino.