Sa unang pagkakataon ay dumalo sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes sina dating PTFoms Director Paul Gutierrez at dating National Irrigation Administration OIC Administrator Benny Antiporda.
Ito ay halos tatlong buwan mula nang sila ay idawit ni dating Customs intelligence officer Jimmy Guban sa kontrobersyal na 2018 shabu importation mess.
Sa naging salaysay ni Guban noon, tinukoy niya si Gutierrez bilang ‘assistant’ ni Antiporda at ipinadala umano siya bilang kinatawan upang balaan siya laban sa pagdawit sa pangalan nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Atty. Mans Carpio, at negosyanteng si Michael Yang kaugnay ng 2018 shabu shipment.
Sa ika-sampung pagdinig ng Quad comm, muling naungkat ang pagbisita noon ni Gutierrez kay Guban noong siya ay nadetine dahil sa umano’y pagsisinungaling niya sa naging pagdinig ng Senado.
Bagamat hindi naman pinilit na sumagot ang mga ito, idiniin ni Antipolo 2nd District Cong. Romeo Acop kung bakit kailangang bisitahin ni Gutierrez si Guban habang isinisilbi ng huli ang kaniyang contempt order.
Sa panig naman ni Antiporda, inungkat ni Cong. Acop ang umano’y “pagpapatrolya” ni Antiporda sa Customs office, bagay na sinagot naman ni Antiporda na napupunta siya sa Customs office noong siya ay nasa media pa lamang.
Sina Antiporda at Gutierrez ay kapwa nagsilbi bilang dating presidente ng National Press Club.