-- Advertisements --

Naaresto na ng mga kapulisan ang dating pulis at driver nito na siyang nasa likod ng pagkawala ng beauty pageant contestant na si Catherine Camilon sa Balayan, Batangas.

Ayon sa Police Regional Office 4A na kanilang naaresto si dating Police Major Allan de Castro sa Barangay Caloocan sa bayan ng Balayan.

Kasama rin na naaresto ang driver-bodyguard nito na si Jeffrey Magpantay.

Ang dalawa ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ni Camilon noon pang nakaraang taon.

Una ng ibinasura ang kaso sa dalawa noong Mayo 15 dahil sa kakulangan ng ebidensiya subalit nahaharap din ang dalawa sa parehas na kaso na inihain sa Batangas Regional Trial Court.

Magugunitang na-contempt na si de Castro sa pagdinig sa senado at siya ay ikinulong sa Senate detention subalit pinakawalan din matapos ang dalawang araw.

Lumalabas sa imbestigasyon na may relasyon si de Castro at ang biktima kung saan siya ang huling nakitang kasama bago ito mawala.