BUTUAN CITY – Inihanda na ng mga otoridad ang mga kasong kanilang isasampa laban sa isang dating pulis matapos makuhaan ng granada at siyam na sachets ng genuine shabu, sa inilunsad na buy bust operation pasado alas-6:45 gabi ng Miyerkules sa labas ng Lipata Port sa Purok 1, Brgy. Lipata, Surigao City.
Nakilala ang nahuling si Jeffrey Tubillo Ellazo, 35-anyos, may asawa at residente ng Purok Mauswagon, Brgy. Magsaysay, sa bayan ng Placer, lalawigan ng Surigao del Norte at kinonsiderang high valued target ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nadestino noon sa San Mateo, Rizal.
Ayon kay PDEA-Caraga spokesman Dindo Abellanosa, isinagawa ang operasyon matapos bumaba sa kanyang sinakyang ferry boat ang suspek at ang ikinarga nitong Honda vehicle.
Nakumpiska mula sa car luggage compartment ng kanyang sasakyan ang apat na malalaking sachets ng shabu na nagsilbing buy bust items, kulay itim na pouch na may limang sachets din ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000, pitaka na may lamang P2,590, apat na boodle money, kulay blue na backpack na may hand grenade at tatlong cellphones.
Napag-alamang may pending na kaso sa RTC Branch 93, sa Antipolo City si Ellazo dahil sa kanyang paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs),ng Article II ng RA 9165 at temporaryong nakalaya matapos makapagpyansa.
Dagdag ng opisyal na may mga koneksyon at impluwensya ang suspek sa law enforcement, at nauugnay umano sa gun running at syang personal na naghahatid ng kanyang mga goods sa kahit saang parte ng bansa.
Dahil dito’y sasampahan siya ng mga kasong illegal selling, illegal possession of dangerous drugs, illegal possession of drug paraphernalia sa ilalim ng Article II ng Republic Act 9165 at illegal possession of explosive.