-- Advertisements --
image 555

Nagbabala ang dating Pangulo ng Russia na si Dmitry Medvedev na ang pagtatangka na arestuhin si Russian President Vladimir Putin sa ibang bansa ay maaring ikonsidera ng Moscow bilang deklarasyon ng giyera.

Inihalimbawa nito sakaling magtungo ang kasalukuyang head ng nuclear state sa teritoryo ng Germany at doon inaresto, maituturing aniya itong deklarasyon ng giyera laban sa Russian federation.

Kung mangyari aniya ito, ayon kay Medvedev, maaaring mag-mitsa ito ng paglulunsad ng kanilang rockets at iba pa patungo sa German federal parliament na Bundestag, sa Chancellor’s Office at iba pa.

Ginawa ng dating Russian leader ang pahayag dalawang araw matapos na mag-isyu ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban kay Putin dahil sa charges ito sa war crimes sa Ukraine, isa na dito ang pagpapadeport ng mga batang Ukrainian nationals patungong Russia.

Si Medvedev ay nagsilbi bilang Pangulo ng Russia sa pagitan ng taong 2008 at 2012 na vocal sa pagbibigay ng agresibong mga pahayag simula ng maglunsad ng special military operation si Putin sa Ukraine at makailang ulit na ring nag-isyu ng nuclear war threats sakaling matalo ang Russian forces sa Ukraine.