Itinalaga ni PNP chief, Gen. Debold Sinas si dating Special Action Force (SAF) deputy director BGen. Luisito Magnaye bilang bagong director ng Health Service unit.
Pinalitan ni Magnaye si B/Gen. Nolasco Bathan na nagretiro na sa serbisyo noong January 28, 2021.
Si Magnaye na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sambisig Class of 1991 ay mistah ni NCRPO chief, Maj. Gen. Vicente Danao Jr.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildibrandi Usana ang unang direktiba ni Sinas kay Magnaye ay ituloy ang mga programang ginagawa ng Health Service na tiyakin ang kapakanan ng mahigit na 220,000 strong men and women sa PNP lalo na ang kanilang kalusugan.
Kasama rin sa direktiba ni Sinas sa bagong Health Service director ang paglaban sa COVID-19 gayundin ang mahigpit na koordinasyon sa pamumuno ng Joint Task Force Covid Shield na pinamunuan ni Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, ang Deputy Chief for Operations gayundin sa commander ng Administrative Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF) Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang Deputy Chief for Administration.
Sinabi rin ni Usana na mataas ang kompiyansa ni Sinas kay Magnaye na lalo pang maisasaayos ang operasyon ng Health Service ng PNP.